Mga Pollutant sa Hangin at Epekto sa Kalusugan

Sino ang Nasa Panganib

Ang hindi magandang kalidad ng hangin ay puwedeng magdulot ng iritasyon sa mga mata, ilong, at lalamunan, pangangapos ng hininga, magpalala ng hika, at magpasimula ng iba pang kundisyon sa baga, at makaapekto sa puso at cardiovascular system. Ang matagal na paghinga ng hanging may polusyon ay puwedeng magdulot ng mas maraming malalang problema.

Mga Taong Pinakamadaling Magkasakit

Mga Bata

Mas maraming hinihinga ang mga bata kaysa sa mga nasa hustong gulang at mas sensitibo sila sa polusyon. Mas masikip ang kanilang mga daanan ng hangin, kaya kaunting pamamaga o iritasyon lang ay mahaharangan na ang kanilang mga airway. Kadalasan, mas madalas ang mga bata outdoors at mas aktibo sila kaysa sa mga nasa hustong gulang. Mas malaki rin ang posibilidad nilang magkaroon ng hika o iba pang sakit sa baga, na pinapalala ng polusyon sa hangin.

Mga Nakatatanda

Posibleng may sakit sa puso o baga o diabetes ang mga nakatatandang nasa hustong gulang, na nagpapalaki sa posibilidad nilang magkasakit. Malaki ang posibilidad ng mga taong may diabetes na magkasakit dahil malaki rin ang posibilidad na dati na silang may sakit sa puso.

Mga Aktibong Nasa Hustong Gulang

Malaki ang posibilidad na maapektuhan ng polusyon sa hangin ang malulusog na indibidwal, anuman ang kanilang edad, na nag-eehersisyo o aktibo outdoors dahil mataas ang antas ng kanilang pagkalantad. Kapag nag-eehersisyo, mas mabilis at mas malalim ang paghinga ng mga tao, na nagpapasok ng mas maraming hangin sa mga baga. Sa kaso ng ozone, lumalaki ang posibilidad na makaranas ng mga malalang epekto tuwing hapon. Mas mainam mag-ehersisyo sa umaga o gabi kung kailan inaasahang mas mababa ang concentration ng ozone.