Mga Pollutant sa Hangin at Epekto sa Kalusugan

Ozone

Ang ozone sa ground, o “smog,” ay nangyayari kapag “naluluto” ng mga ultraviolet ray ng araw ang mga reactive na organic compound at oxide ng nitrogen sa ibabang atmosphere. Ang ozone na nagawa sa isang bahagi ng Bay Area ay madaling makakapunta sa iba pang bahagi ng rehiyon sa pamamagitan ng lokal na current ng hangin, at puwedeng ma-trap ng mga heograpikong feature gaya ng mga mababang lambak.

Mga Epekto sa Kalusugan

Iritasyon sa Baga

Puwedeng magdulot ang ozone ng ubo, pananakit ng ulo, at iritasyon sa mata, ilong, at lalamunan. Posibleng tumagal nang ilang oras ang mga sintomas matapos malantad sa ozone, at puwedeng magdulot ng pananakit ang mga ito.

Nabawasang Paggana ng Baga

Ang paggana ng baga ay batay sa dami ng pumapasok na hangin tuwing humihinga nang malalim, at sa bilis ng pag-exhale nito. Kapag may ozone, posibleng mas mahirapang huminga nang malalim at mabilisan gaya ng karaniwan.

Paglala ng Hika

Kapag mataas ang antas ng ozone, mas maraming tao ang inaatake ng hika. Dahil sa ozone, nagiging mas sensitibo ang mga tao sa mga allergen, gaya ng mga dust mite, alagang hayop, at pollen, ang mga pinakakaraniwang trigger ng pag-atake ng hika.

Pamamaga at Pinsala sa Lining ng Baga

Ang epekto ng ozone sa lining ng baga ay tulad sa sunburn sa balat. Nakakapinsala ito sa mga cell sa lining ng mga air space sa baga. Gayunpaman, kadalasan ay nare-repair ang mga napinsalang cell sa loob ng ilang araw, gaya ng natural na paggaling ng balat mula sa sunburn.

Mga Pangmatagalang Epekto

Itinuturing na panandalian ang karamihan sa mga epekto sa kalusugan ng ozone, dahil nawawala rin ang mga ito kasabay ng pagbaba ng antas ng ozone Gayunpaman, may ebidensyang posibleng permanenteng makapinsala sa mga baga ang panandaliang pinsala mula sa pagkakalantad sa ozone. Sa mga pag-aaral sa mga lugar na may matinding polusyon, naiugnay ang matagal na pagkakalantad sa ozone sa pagkakaroon ng hika sa mga bata.

Mga Epekto sa Kapaligiran

Ang polusyong dulot ng ozone ay mayroon ding mga epekto sa kapaligiran ng ozone. Kasama sa mga ito ang:

  • Nakompromisong paglaki, reproduksyon, at pangkalahatang kalusugan ng mga halaman. Nakakaapekto ang ozone sa kakayahan ng mga halaman na mag-produce at mag-store ng pagkain. Dahil dito, mas humihina at mas madali ding nagkakasakit, nagkakapeste, at naaapektuhan ng mga stress sa kapaligiran ang mga halaman at puno.
  • Pagkapinsala o pagkamatay ng mga dahon, na nagreresulta sa pagkakaroon ng batik-batik, pagiging brown, o maagang pagkalagas ng mga dahon.
  • Pagkaunti ng ani para sa maraming pananim na mahalaga sa ekonomiya, gaya ng soybeans, kidney beans, wheat, at bulak.

Naniniwala ang mga siyentipiko na ang mga epekto ng ozone sa ground sa mga species na may mahabang buhay – gaya ng mga puno – ay naiipon sa paglipas ng panahon, kaya puwedeng mga buong gubat o ecosystem ang maapektuhan.